Tabi Tabi Po!

Tabi Tabi Po!

ni Guelan Luarca

            Hindi malayo na kung dito ka lumaki sa Pilipinas, malimit na pansaway sa iyo ng iyong yaya, o ng iyong lola, sa tuwing may ginagawa kang kalokohan ang mga pasabing, “Naku! Huwag ka riyan, may momo d’yan!” O kaya, “kapag magulo ka, kakainin ka ng wakwak!” Hindi na bago ang biro, na ang bawat batang Pilipino raw, matagal nang naapektuhan ang sikolohikal na kalusugan, natroma kung baga, bago pa man makatikim ng buliying sa eskuwelahan. Nakaukit na mula kamusmusan sa kamalayan nating mga Pilipino ang takot, maging paminsan ay paggalang, sa “daigdig ng kababalaghan” – yaong nakakubling bahagi ng ating kapaligirang pinamumugaran ng mga aswang, multo, maligno, ng mga duwende, tikbalang, at anu-ano pang uri ng mga nilalang na wari’y pinulot mula sa pinakamalalagim na bangungot.

            Nakakikiliti sa isip ang magtanong kung bakit ganoon na lamang ang kapalasakan ng mga kuwentong katatakutin dito sa Pilipinas. Sa kabataan, walang lumilipas na sleep over parties o camping nang hindi nagbabahaginan ang mga kalahok ukol sa kani-kaniyang pakikipagsapalaran sa kababalaghan, maging karanasan ng kanilang mga kakilala (“iyong pinsan ng kaibigan ng tita ng lolo ng kaibigan ko…”), hindi mapapatawad sa sesyon ng kuwentuhan . Minsan pa nga, itinuturing na pamana sa salinlahi ng mga angkan ang “lihim” na kasaysayan ng kanilang mga ninunong nahaluan ng dugong-asuwang, o kaya’y isa palang kinatatakutang mangkukulam. Hanggang sa kasalukuyang modernong panahon natin, kalat pa rin ang (absurdong) tsismis na may itinatagong anak na aswang ang isa sa pinakamayayamang negosyante rito sa Metro Manila, at pinatira raw niya iyon sa silong ng isa sa pagmamay-ari niyang pamilihan. Kahit ang ating pamahalaan, noong panahon ni Marcos, sa halip na magpalimbag sa pahayagan ng mga balita ukol sa mahahalagang suliranin ng bansa, nagkakalat na lamang ng mga balitang ukol sa mga natagpuang aswang sa probinsya upang makaiwas sa batikos ng publiko.

            Ngunit bago ang pagsuri ukol sa kakatwang pagkahumaling na ito, mainam marahil talakayin ang mga malilimit na tumatao sa kuwentong katatakuting Pilipino.

MGA ASWANG

            Ayon sa mitolohiyang Pilipino, bumubunga ang mga aswang kadalasan sa pagniig ng a) isang ordinaryong tao, at aswang, o taong may dugong-aswang, o demonyo, b) dalawang mangingibig na may malubhang kasalanan kaya’t pinarurusahan ng Diyos, at c) mga anghel at demonyo. Isa sa pinakasikat na uri ng mga aswang ang mga tyanak. Sila iyong mga sanggol na pinalaglag at di-binyagan, at sinaniban ng masasamang espirito’t nabigyang-buhay. Madalas silang inilalarawan bilang mga maliliit na sanggol na matatalas ang ngipin, may buhok sa likod, at sakdal-haba ang dila. Marahil nagbuhat ang mitolohiyang ito sa matinding panghihilakbot ng mga Pilipino sa pagpapalaglag, o abortion, at kunektado rin sa malalim nating pagka-Kristyano. Kung titingnan ang paniniwala sa kababalaghan bilang dulog sa pag-unawa sa ugali ng tao, makikita na isang pagsasakongkreto ng kasamaan at kabuktutan sa mundo ang paniniwala sa mga aswang.

KAPRE, DUWENDE, at TIKBALANG

            Animismo ang tunay na naunang pananampalataya ng katutubong Pilipino. Nakikita niya ang kalikasan bilang mga manipestasyon, at tahanan, ng bawat diyos, o kapangyarihan. Mula marahil sa paggalang na ito sa kapaligiran umusbong ang matinding takot natin sa mga espiritong tanod ng kalikasan gaya ng kapre, duwende, at tikbalang. Mga higanteng nananahan sa malalaki’t matatandang puno ang mga kapre. Mabait sila kung hindi gagambalain, at mahilig na maghithit ng malalaking tabako. Nagsisilbi silang tagapagtanggol ng mga puno laban sa mga may nais na matroso ito.

            Sa kabilang dako, mga espiritong nananahan sa ilalim ng lupa naman ang mga duwende. Maliliit sila, at payapa kung hindi guguluhin. May mga kapangyarihan silang hindi nalalayo sa mahiya at sumpa. Madalas silang namumugad sa mga punso, at maselan kung matapakan ng taong di-nag-iingat. Kadalasang ikinaklasipika sa dalawang uri ang mga duwende: yaong mababait, o “puti”, na may ugaling mapanlaro at pilyo kung minsan, at mahilig manloko sa mga taong kinikilala niyang mga kaibigan. Yaon namang malisyoso, o “itim”, ay mga duwendeng mapanira, at malimit magsaboy ng kamalasan at sakit sa mga nagkakasala sa kanya.

            Mayroon ding mga nilalang na kung tawagin, mga tikbalang. May mahagway na pangangatawan ang mga tikbalang, at ang kutis, madalas kayumangging-kayumanggi, at ang ulo, tulad ng sa kabayo. Gaya ng kapre, nagsisilbi rin silang bantay ng mga matatandang puno. Madalas silang ilarawang marahan, maamo, at maawain, liban kung gagalitin, at sapat ang lakas nitong saktan ang sinumang makasagupa niya.

MGA MULTO, WHITE LADY

            Ilan sa pinakaunang natagpuang mga istorikal na labi ng mga sinaunang Pilipino ay mga sisidlang dinidibuhuan ng mga larawang nagpapakita sa mga kaluluwa ng taong tumatawid mula sa daigdig tungo sa kabilang-buhay. Makakikitaan din ang pre-istorikal nating mga ninuno ng marituwal na pagpapahalaga sa kanilang mga yumao, hindi malayo sa mas kilalang mga mummy ng Ehipto. Nakaukit nang malalim sa ating kamalayan ang paggalang sa mga mahal nating sumakabilang-buhay. Bago pa man pumasok ang Kristyanismo, nakikita na natin ang kamatayan bilang isang daanan tungo sa isa pang nibel ng pag-iral, at hindi lamang katapusan. Sa lahat ng mga tauhang masasabi nating kasali sa listahan ng mga katatakuting Pilipino, ang mga multo ang pinakaunibersal, sapagkat lahat halos ng kultura ay may sariling bersyon ng multo. Sila ay dating mga namuhay sa ibabaw ng lupa, na nang mamatay ay may tungkuling hindi natupad noong sila’y nabuhay pa, kaya’t nagbabalik upang magawa ang kanilang mga ibig sanang gawing kundangang namatay.

            Isa sa pinakakontemporaryong bersyon ng mitolohiyang multo ang white lady, o gumagalang espirito ng babaeng nakaputi mula ulo hanggang paa. Madalas na kuwento-kuwento ang white lady sa may Balete Drive, Quezon City, na nakikisakay raw sa mga dumaraan upang biglang lumaho lamang.

MGA MANGKUKULAM

            Hindi man ganap na mga nilalang ng kababalaghan, may prominente ring puwesto ang mga mangkukulam sa ating mitolohiyang katatakutin. Sumanib na sa pang-araw-araw nating diskurso ang katagang “pakukulam kita!” bilang panakot sa mga nakakaaway. Dahil ito ang madalas na tungkulin ng mga mangkukulam. Pinupuntahan sila ng mga taong may ibig na parusahan o gantihan, at sa pamamagitan ng mga salitang pinakakawalan sa hangin, napararating sa taong kinukulam ang sumpang binibitawan ng mangkukulam, at makararanas siya ng mga mahiwagang karamdaman, o matinding kamalasan sa buhay.

            Sa huli, makikita natin na mayroon pa ring koneksyon tayong mga kontemporaryong Pilipino sa luma’t sinaunang paniniwala ng ating mga ninuno. Dahil sa nasasakyan pa rin ng kabataan ang mga kuwentong katatakutin, na madalas nakararating sa kanila mula sa higit na nakatatandang kamag-anak o kaibigan, lumalabas na may pagpapahalaga pa rin, kahit na papaano, sa mga bagay sa ating kapaligirang noon pa man, nagtatanim na ng sindak at paggalang sa ating mga puso.

Friday, March 26, 2010