Kulturang Albularyo

ni Dierdre Camba

            Sa bawat natatanging kultura, mayroong kanya-kanyang bersyon ng mga manggagamot na may mga mistikal na katangian. Sa Africa, mayroon silang tinatawag na “Sangoma”. Sa America, nariyan ang mga witch doctors mga dalubhasa sa kasanayan ng Wicca. Kahit sa sinaunang mga kultura ng Europa, matatagpuan na rin ang mga tinatawag na “shaman”, o mga manggagamot na gumagamit ng hiwaga sa pagpapagaling ang mga pasyente.[1]

            Hindi naiiba ang lokal na kultura ng Pilipinas. Dito sa atin, mayroon tayong mga tinatawag na hilot, faith healers, at siyempre, higit na tanyag sa lahat ang mga albularyo. Tulad ng mga mistikong mangagamot mula sa iba’t ibang panig ng mundo, ang isang albularyo ay dalubhasa sa pagpapagaling ng mga pambihirang karamdaman gamit ang mga sobrenatural o kahima-himalang paraan. Karaniwang base ang pamamaraan ng kanyang panggagamot sa mga katutubong paniniwala at lapit na relihiyoso. Gumagamit sila ng mga halamang gamot at pambihirang mga bagay tulad ng pagkit ng kandila at balahibo ng hayop para sa matatawag marahil na ritwal ng panggagamot. Madalas, tinatawag rin ng mga albularyo ang ‘di umano’y kapangyarihan ng Espirito Santo upang gamitin sa isang orasyon o bulong na may layunin pagalingin ang pasyente. Importante rin marahil tukuyin na ang mga serbisyo ng isang albularyo ay karaniwang kinakailangan kapag ang diperensya ng isang tao ay may katangian ring mistikal o mahiwaga. Halimbawa na lamang rito ang mga biktima ng kulam at mga kababaihang nililigawan daw ng mga kapre, tikbalang at ng kung anu-ano pa.[2]

            Halos bawat kultura rin sa Pilipinas ay mayroong kanya-kanyang uri ng albularyong umaayon sa kani-kanilang klase ng pamumuhay. Madalas silang matatagpuan sa mga rural na lugar kung saan mahirap matamasa ang modernong medisina. Maraming tumatangkilik sa mga serbisyo nila dahil higit na mas mura ang alternatibong ito kung ikukumpara sa komersyal na mga gamot at operasyon. Tunay na masasabing napapanahon pa rin ang mga albularyo kahit sa kasalukuyang henerasyon. Kahit dito sa lungsod ng Maynila ay matatagpuan ang mga tulad nilang manggagamot sa mga lugar tulad ng Quiapo. [3]

            Tulad ng nabanggit, laganap na sa buong bansa at sa buong mundo ang mga paraan ng makabagong medisina. Lahat ng mga karaniwang sakit tulad ng ubo, sipon, lagnat at trankaso, mayroon nang siyentipikong paliwanag at solusyon. Kung gayon, bakit marami pa ring mga taong naniniwala sa mga kakayahan at ehersisyo ng mga hilot at faith healers? Higit pa rito, bakit nga ba nagkakaroon ng interes ang isang tao sa larangan ng pagka-albularyo? Ayon sa ilan, ang pagiging albularyo raw ay isang trabaho na namamana. Kadalasan, ang mga pinapasa ng isang albularyo ang kanyang kabuhayan at mga pagsasanay sa kanyang mga anak o iba pang kaangkan. Sa loob ng pamilya, nagkakaroon ng tinatawag na “apprenticeship” – isang proseso ng pag-aaral ng isang sanay sa pamamagitan ng pagoobserba at pakikitulong sa isang dalubhasang manggagamot. Sa pamamagitan ng sistemang ito, nananatiling buhay ang tradisyon ng mga manghihilot sa Pilipinas.[4]

            Upang maging albularyo, hindi kailangan ng pormal na edukasyon o ano mang klase ng diploma. Ang mga paraan nila ay wala ring siyentipiko o lohokal na pagpapaliwanag. Walang panukalang-batas na magsasabi kung epektibo ba ang mga paraan ng kanilang panggagamot. Kung ikukumpara sa mga tunay as lisensyadong mga doktor, maituturing na sadyang primitibo at walang katiyakan ang kanilang mga paraan. Ngunit, hanggang may mga taong naniniwala sa kanilang kapangyarihan at mahika, mananatiling buhay ang mga albularyo sa ating lokal na kultura.

Mga Sanggunian:

      [1] P. Tate. The Doctor’s Communication Handbook. 4th ed. Oxford: OUP; 2003.

      [2] Michael Tan ‘Albularyo’, Philippine Daily Inquirer. 23,March 2007

      [3] Ibid.

      [4] “The Albularyo”, available from, http://www.stuartxchange.com/Albularyo.html#Albularyo, accessed Febuary 24, 2007.

Friday, March 26, 2010