Aswang: Totoo o Gawa-gawa Lamang?

ni Anne Simpao

    

            Ang aswang ay isang mistikal na nilalang sa mitolohiya ng Pilipinas. Sinasabi na sila ay kumukuha ng anyo ng tao tuwing umaga at nagiging bampira kapag gabi naman. Ayon sa mitolohiya, may kakayahan silang magpalit ng anyo at mga bata o matatanda ang kanilang binibiktima. Ayon sa alamat, nagumpisa ang mga kuwento napapatungkol sa mga aswang sa Capiz, Iloilo at Antique.  

            Dahil sa malaking kasikatan ng mitolohiyang ito at sa dami ng naniniwala rito, kinuha itong bilang isang oportunidad ng mga magulang para disiplinahin ang kanilang mga anak. Dito nagumpisa ang kontemporaryong kuwento napapatungkol sa aswang. Ginamit ito bilang kasangkapan ng katakutan sa mga bata para sila ay umuwi sa kanilang tahanan bago lumubog ang araw.  Naging lalik rin ito ng libangan habang lumilipas ang taon at iba’t-ibang kuwento ang bagong lumalabas napapatungkol sa mga aswang.

            Noong Agosto 2003, naglabas ng artikulo ang Sun Star na naglalalaman ng mga kuwento galing sa mga tao tungkol sa kanilang karanasan sa aswang. Isa dito ay ang kuwento ng mag-asawa sa Villa Esperanza, Bacolod City. Isang araw raw, nangngingisda ang babae sa isang lawa malapit sa kanilang tahanan noong nilapitan siya ng isang matandang babae upang iabot sa kanya ang isang puting bato. Tumanggi ang misis at umalis kaagad. Mula noon, bumibisita na ang isang aswang sa kanilang tahanan. Nagising sila ng isang gabi dahil may narinig silang kukong kumakaluskos sa pader at noong binuksan nila ang ilaw, may nakita silang kamay ng matandang babae. Hinabol nila ito sa labas at ang nakita lamang nila ay isang aso. Dahil dito, umalis ang mag-asawa sa kanila tahanan at nakitira sa mga kamag-anak samantalang ang mga kapitbahay nila ay naglagay ng vigil sa kani-kanilang bahay para hindi na bumalik ang aswang.[1]

            Matapos ang isang taon, naglabas ng isang ulat ang papel napapatungkol rin sa aswang sa Tantangan, South Cotabato. Ayon sa ulat, niligtas ng labing-anim na taong gulang na lalaki ang kaniyang kapatid na inatake ng isang maitim na aso na may pulang mata. Binaril ng lalaki ang aso at ayon sa kanya, ito ay lumipad sa gabi. Maraming hindi naniwala sa kaniyang kuwento, subalit mayroon rin mga tao naniwala dahil sa kanilang karanasan o kuwento ng kanilang mga kamaganak.

            May mga ulat rin napapatungkol sa mga taong pinapatay dahil sila ay pinaghinalaan na mga aswang. Noong Agosto 2003, umamin si Antonio Rebalde ng Don Salvador Benedicto na pinatay niya ang kaniyang tiyahin at pinsan dahil naniwala siya na aswang sila. Ayon sa kanya, sinumpa nila ang kaniyang asawa na namatay pagkatapos nanganak. May magasawa din pinugutan ng ulo sa Sitio Sila-ay, Barangay Bulata. Noong 2005 naman, may magasawa din pinatay dahil inakala sila na mga aswang. [2]

            Totoo nga ba ang mga aswang o hanggang metolohiya lamang? Ang mga ulat ng mga tao tungkol sa kanilang karanasan sa mga aswang – totoo ba ang mga ito o gawa-gawa lamang ng kanilang mga imahinasyon? Maraming tanong ngunit walang makapagbibigay ng isang sagot lamang.

            Nakadepende na sa sarili ang sagot sa tanong na ito. Kung ang mga kuwentong ito ay paniniwalaan o ibale-wala nalang. Paano ba natin malalaman kung totoo ang mga kuwentong ito? At paano rin ba natin malalaman kung ito ay mga gawa-gawa lamang.

Mga Sanggunian:

            [1] Sun Star Magazine. “Boy survives ‘aswang’ attack.” Available from http://www.sunstar.com.ph/static/dav/2004/09/25/news/boy.survives.aswang.attack.html. Internet; accessed 6 March 2010.

            [2] The Cabinet. “Dark Destinations.” Available from http://www.thecabinet.com/darkdestinations/location.php?sub_id=dark_destinations&by=country&locale=Philippines&location_id=roxas_city_capiz_philippines&start=0&limit=5&d_order=ASC. Internet; accessed 6 March 2010.

Friday, March 26, 2010